Header Ads

Kapirasong Tela Ang Nagdikta


Ni: Cherrylyn Mabelin


Hindi napipili ang kasarian, taliwas sa ating kasuotan. Kahit anong kulay, kahit anong klase, Niyayakap tayo ng telang saksi sa bawat pakikibaka, At kalimitan nagsisilbi ring pampalis ng mga luha. Ngunit, sa kabilang banda, pilit nilang idinidikta na ang kasuotan ay sukatan ng respeto Ang mga kababaihan ay dapat ganito kahaba ang telang pumupulopot sa buong pagkatao. Tunay nga bang malaya? O huwad lamang na paniniwala? Kapag nababastos, rason nila ay dahil maikli ang suot, Parang pinagtagpi-tagpi ang tumatakip sa katawan, At parang ipinintang kasalanan. Naisin man nating maging masaya, tayo ay hinahadlangan ng mga mapanghusga. Kapag nasasamantala, Ani nila ay "kasi ganiyan ang damit niya!" Ngunit paano naman ang batang naging biktima? Ang matandang napag-diskitahan pa? Kailan man ay hindi katanggap-tanggap Ang masisi sa kasalanang maging totoo sa sarili. Ipakita ang kagandahan sa bawat kasuotan, Walang tinig ng sipol o humahagod na mata. Kung paano inihahabi ang telang bumabalot sa ating balat, Ganon din sana nito tinatakpan ang bawat sugat. Tulad ni Sisa, wag sana tayong mawalan ng ulirat, Bago makamtan ang paggalang at tunay na kalayaan.

No comments

Powered by Blogger.