Header Ads

Maniteño SNED student kalahok sa Palarong Bicol 2026

Maniteño Para-athlete Feliph Marquez kasama sina Nina Ortiz (ina) at coach Arlene Quibate habang naghihintay makapaglaro para sa Palarong Bicol Paragames sa Taysan Elementary School ngayong Marso 2, 2026.


Legazpi City, Albay—Lumahok sa Palarong Bicol Paragames ang isang estudyante ng Special Needs Education (SNED) ng Manito Central School ngayong Lunes, Marso 2, 2026 sa Taysan Elementary School.

Si Feliph Marquez, 19, kasama ang kaniyang coach at guro na si Arlene Quibate ay inaasahang maglalaro sa isports na Bocce, isang paligsahan na kung saan mayroong walong bola o bocce ball na kailangang ihagis patungo sa maliit na bola o pallina. Ang may pinaka-malapit na maihahagis na bola sa pallina sa loob ng walong minuto ang siyang mananalo.


Residente ng Buyo, Manito, Albay si Marquez at ito ang una niyang pagkakataong makapaglaro sa Palarong Bicol sa ilalim ng Team Albay. Ayon sa kanyang coach, nagsimulang maglaro si Marquez ng isports na ito noong Setyembre 2025 sa school meet. Ang kanyang pag-eensayo ay isinisingit sa bawat klase.


“Nagsimula kaming maglaro nito, Setyembre, kasi Setyembre yung school meet. Nagte-training naman pero not all the time kasi itong bola na ginagamit namin ay hiniram lang sa province... Tine-training ko siya, isinisingit ko sa klase kahit may schedule ako.”


Ibinahagi din ng kanyang coach ang pag-eensayo sa katulad ni Marquez na may intellectual needs.


“Mahirap sila i-practice kasi syempre kailangan ko siya turuan sa pag-hagis ng bola, yung timing, distance at pag-kontrol. Ang pinaka-mahirap ay yung pag-kontrol, paano mo kokontrolin yung bola para sumakto doon sa pallina,” ayon kay Quibate.


“Ang kagandahan kay Feliph ay mabait siya, hindi nagpapasaway, umuupo lang siya... at pag binigyan mo ng pagkain, kakain naman,” dagdag pa niya.


Magtatagal ang Palarong Bicol mula Marso 1 hanggang 7, at ito ang unang araw ng paligsahan.

-- Cherrylyn Mabelin

        

No comments

Powered by Blogger.