Header Ads

Ex-Mayor Daep, 4 na iba pa hinatulan ng Sandiganbayan


 

Naglabas ng hatol kina dating Manito Municipal Mayor Carmencita Daep at apat pang opisyal ng Bayan ng Manito, Albay ang Fourth Division ng Sandiganbayan ukol raw sa mga iregularidad sa pagbili ng mga Hexaplus liquid fertilizer na naghahalagang halos P3 milyon noong 2004.

 Ang desisyon ng anti-graft court ay may petsang Oktubre 21, 2022 at nilathala ng Philippine Star sa kanilang website kahapon, Oktubre 27, 2022.

 Ayon sa 48-pahinang desisyon ng Sandiganbayan (link sa ibaba), ang mga kasama sa mga nahatulan ay sina Ameife Lumen Lacbain, Dioscoro Asaytuno Ardales, Arnold Banzuela Calsiña, at Ernesto Mata Millena.

 Ayon din sa kopya ng desisyon, may isang Roberto Toledo Alvarez na “at large” dahil hindi siya  napasailalim sa hurisdiksyon ng korte.  Ayon sa desisyon, ang kaso ni Alvarez ay “archived” o itatabi muna hanggang hindi pa nakukuha ng korte ang hurisdiksyon sa kanya sa pamamagitan ng alias warrant of arrest.

 Hindi sinang-ayunan ng Sandiganbayan Fourth Division ang depensa ng dating mayor na pumirma lamang siya at nagtiwala sa proseso ng bidding ng Bids and Awards Committee (BAC) dahil hindi raw maisasagawa ng BAC ang maling transaksyon hinggil sa kontrata kung wala ang kanyang partisipasyon.

 Hindi rin sinang-ayunan ng Sandiganbayan Fourth Division ang depensa ni Municipal Accountant Lacbain na hindi na dapat siya kasama sa asunto dahil na-dismisss na sa Court of Appeals ang kanyang administrative case na Grave Misconduct.  Ayon sa Sandiganbayan, maaari pa rin siyang hatulan dahil magkaiba ang kasong administratibo at kriminal.  

 Pinuna ng Sandiganbayan ang maling proseso ng BAC sa bidding at pagpili ng pagbibilhan ng mga liquid fertilizer.  Wala raw sapat na rason para hindi sundin ang normal na proseso at gamitin ang mga pambihirang (exceptional) proseso tulad ng Direct Contracting at Negotiated Procurement.  Pinuna din ng Sandiganbayan na mukhang may napili na ang BAC bago o habang ginagawa pa lang ang bidding process.

 Isa sa binigyang pansin ng Sandiganbayan ay ang hindi rehistradong fertilizer na binebenta ng hindi lisensyadong kumpanya.  Ito raw ay dagdag sa mga “red flags” na nagpapakita ng kapabayaan.

 Ang hatol ng Sandiganbayan ay pagkakakulong mula anim na taon at isang buwan hanggang sampung taon at perpetual disqualification to hold public office o habang buhay na hindi maaaring humawak ng pampublikong posisyon.

 -- https://sb.judiciary.gov.ph/DECISIONS/2022/J_Crim_SB-16-CRM-0459_People vs Carmencita Carretas Daep, et al_10_21_2022.pdf

 -- https://www.philstar.com/nation/2022/10/27/2219505/ex-albay-town-mayor-convicted-graft

No comments

Powered by Blogger.