Gin Kings nilasing ang Beermen
Nilasing ng Gin Kings ang pag-asa ng San Miguel Beermen na makapag-Grand Slam matapos ipanalo ang ika-anim na laro ng best-of-seven series sa iskor na 93-77. Nagresulta ito sa 4-2 na serye at matamis na kauna-unahang PBA Commissioner's Cup title ng Gin Kings matapos ang dalawampu't isang taon.
Sa ika-walong araw ng Agosto 2018, saksi ang Mall of Asia Arena (MOA) at ang 20,490 na manunuod sa pagkamit ng Gin Kings sa kanilang ika-tatlong kampeonato sa loob lamang ng anim na komperensiya. Ito rin ang ika-dalawampu't isang (21st) PBA Championship para sa "Grand Slam coach" na si Tim Cone. "Who would've thought that we've been able to win this series? And who would have thought that we can win it in 6 games?" pahayag pa ni Cone na hindi makapaniwala sa nakuhang panalo. Sino nga naman ang mag-aakala na makakabangon sa tatlong sunod na laro ang Ginebra matapos maging 1-2 ang serye?
Naging low-scoring ang first half ng laro na nagtapos sa 35-38, kalamangan ng San Miguel Beermen. Ngunit nag-iba ang ihip ng hangin sa MOA nang ang 42-41 na iskor na kinayod ng Gin Kings ay umalagwa sa 62-46 sa pagtatapos ng 3rd quarter. Tila nanghina naman ang Beermen nang namaga pa ang kalamangan ng Ginebra sa 22 puntos sa iskor na 85-63 matapos ang back-to-back lay-up nina Joe Devance at Jeff Chan.
Pinatunayan naman ng Gin Kings na hindi sila umaasa lamang sa import nang tanghalin si Scottie Thompson na Best Player of the Game at Finals Most Valuable Player (MVP) na may final average na 10.8 points, 7.7 rebounds at 5.2 assists per game.
"I never really thought about winning Finals MVP. I just wanted to win the championship," mapagpakumbabang pahayag ni Thompson. Dagdag pa niya na ang isa sa mga nagbigay sa kanya ng motibasyon ay ang taga-suporta nila na bumyahe pa para ipakita ang suporta sa team.
Malaki rin ang naiambag ni Greg Slaughter lalo na sa depensa kay June Mar Fajardo na nagka-foul trouble sa Game 6. Ang kanilang import naman na si Justin Brownlee na tinanghal na Best Import ngayong 2018 PBA Commissioner's Cup ay pinatunayang siya nga ang Best Import nang mag-ambag siya ng 31 points, 19 rebounds, 7 assists, 4 blocks at 2 steals sa Game 6.
Sa huli ay may dalawang tunay na panalo, ang mga tao na nakasaksi ng isang magandang finals at ang San Miguel Corp. na nagmamay-ari sa dalawang kupunan.
Mga puntos:
Gin Kings (93)- Brownlee 31, Slaughter 13, Thompson 12, Tenorio 11,
Chan 10, Mercado 5, Ferrer 5, Devance 4, J. Aguilar 1.
San Miguel Beermen (77)- Fajardo 29, Balkman 24, Heruela 11,
Cabagnot 6, Santos 5, Pessumal 2, Mamaril 0, Ross 0, Lassiter 0, Vigil 0,
Ganuelas-Rosser 0, Standhardinger 0.
Quarters: 14-17; 35-38; 62-46; 93-77.
Quarters: 14-17; 35-38; 62-46; 93-77.
--Catherine Joy Daep
Post a Comment