Header Ads

Punong-Puno na Ako!


          Umandar na ang dyip. Dahan-dahan ang iba. Harurot naman ang takbo ng iba kahit na nga punong-puno na. Sa unahan ng kalsada ay marami pang pasahero ang naghihintay ng masasakyan.

          Titigil ang dyip, at aalingawngaw ang mga salitang

“Oh uni sa tahaw igwa pa.” 

“Makisibog man tabi sa wala/too.”

 “Igwa pa digdi oh, makipakaray tabi kan tukaw.”

“May mababa man sana sa inutan.”

Maririnig din ang mga hinaing ng mga pasahero na kung sa sardinas ay talagang siksik na siksik na,

“Sain pa man daw masibog, panuon na ngani.”

“Aray ko!”

“Sige pa man an pundo kaini, wara na ngani ki tukawan!”

     Nariyan ang nagkakaipitan ng braso, nagkakatungtungan ng paa, ang mga nasusukahan ng mga bata o matatanda dahil sa wala ng hangin na pumapasok sa loob.

     Araw-araw iyan ang eksena sa terminal at sa mga pampasaherong dyip hindi lang sa Manito kundi pati sa iba pang lugar.

     Kung makakapagsalita lamang ang dyip ay malamang sinabihan na nito ang konduktor o drayber na “Hoy, tama na, punong-puno na ako! Sobra na ‘to!”

     Sa bawat pagsakay ng mga pasahero sa dyip, iisa na lang ang kanilang panalangin -- na sana hindi sila maaksidente dahil sa overloading.

Overloading.  

     Hindi na ito bagong usapin sa bayan ng Manito. Hindi na  nakakapagtaka kung makakakita ka ng namumutiktik na tricycle (lalo na kapag may pasok sa eskwelahan), parang “caterpillar” na motor dahil sa dami ng nakasakay o kaya nama’y dyip na pawang lata ng sardinas sa gitna ng daan.

     Ano ba ang ginagawang aksyon ng lokal na pamahalaan sa sitwasyong ito?  Ng asosasyon ng mga drayber? Ng mga pasahero? Ng mga nagmamasid?

      Hindi ito dapat isawalang-bahala na lamang.  Kung magpapatuloy pa ito ay magiging mas mapanganib ang pagbibyahe ng mga tao.

     Hindi naman masamang kumita. Pero sayang ng kanilang kita kung mapupunta ito sa pagpapagamot ng mga taong maaaring maaksidente dahil sa overloading.

     May mga batas tayo, oo. Pero sapat na ba ito para masolusyunan ang simple ngunit lumalaking problema ng isang maliit na bayan gaya ng Manito?
-- Glorilyn D. Reodique

Vol. III Issue 1         March 6, 2017

.

No comments

Powered by Blogger.