Header Ads

Nagotgot St. Joseph Natisod ang Pawa St. Vincent sa Senior Division ng Manito 5th Mayor’s Cup and SK Cup Inter-Barangay Basketball Tournament 2022, 68-57.

 

Itaas:  Senior Division Champion -- Nagotgot St. Joseph matapos talunin ang Pawa St. Vincent. Photo: Mayor's Cup & SK Inter-Brgy. Cup 2022  FB Page
Ibaba: Junior Division Champion -- Pawa St. Vincent matapos talunin ang Nagotgot St. Joseph.  Photo: Manny R. Daen 

          Naiuwi ng Nagotgot St. Joseph ang pinag-agawang tropeyo sa Senior Division ng 5th Mayor’s Cup and SK Cup Inter-Barangay Basketball Tournament 2022 sa Manito, Albay matapos nilang padapain sa iskor na 68-57 ang Pawa Saint Vincent sa Manito People's Centrum noong Mayo 29.

 

Hinirang na Most Valuable Player (MVP) ng kompetisyon si Mr. Jerome Baloloy ng Nagotgot Saint Joseph na nakapagtala ng 14 na puntos gamit ang kanyang bilis at husay sa pagdala ng bola papasok sa shaded area.  Maririnig ang hiyawan at pag-aalala ng mga manonood sa tuwing bumabagsak si Baloloy sa hard court dahil sa hindi maiwasang balyahan sa tindi ng depensa ng Pawa.

 

Sa naunang quarter ng laro ay naging mahigpit ang laban na nag-umpisa sa palitan ng tres nina Galvez ng Nagotgot at Lovendino ng Pawa.  Dikit ang palitan ng puntos ngunit nagawa ng Nagotgot Saint Joseph na mag-iwan ng 4 na puntos na kalamangan sa iskor na 16-12 bago matapos ang unang quarter.

 

Pagpasok ng second quarter ay naging mas agresibo na ang Nagotgot Saint Joseph.  Mas humigpit pa ang kanilang depensa na siyang naging bakod upang hadlangan ang opensa ng Pawa na nakagawa lamang ng 3 puntos sa buong quarter.    Sa quarter ding ito nagawa ni Baloloy ang 8 sa kanyang 14 na puntos na tumulong upang lumobo ang kanilang kalamangan.  Umambag sa scoring sina Santillan, Lasin, Galvez, Viñas, at Herrera.  Second quarter score, 34-15.

 

Sa third quarter ng laro ay hindi hinayaan ng Nagotgot na makahabol pa ang Pawa.  Natapos ang third quarter sa iskor na 56-36.  Ngunit pagpasok ng fourth quarter ay kumambyo ang Saint Vincent.  Naging mas mahigpit ang kanilang depensa at naging mas agresibo kung kaya’t nagawa nilang maibaba ang lamang sa 11 puntos sa pangunguna ni Atuli (jersey # 30).  Natapos ang laro sa iskor na 68-57 matapos mag-concede ang Pawa Saint Vincent nang may natitira pang 39 segundo sa laro.

 

Ayon sa coach ng Nagotgot na si Mr. Joven Dioneda, “Puon kan elimination sinabi ko na sa inda na mag-focus kami sa kawat buda magseryoso.  Sa defense naman gabos gibuhon.   Sa finals naman mas higpitan pa ninda buda bantayan ki maray si De Claro. Successful man su nagibo ninda tapos nagsusunod man su mga players ko kaya yun, nakua mi an championship.”

 

Bago ang championship game ng Senior Division, nagawa namang maipanalo ng Daz Cable ang battle for third place laban sa Parada Sto. Niño, dahilan upang tuluyan nilang makuha ang 2nd runner-up ng kompetisyon.

 

Samantala, sa mas nauna pang laro, nagawa namang makuha ng Pawa Saint Vincent ang kampeonato sa Junior Division matapos nilang mapataob ang Nagotgot Saint Joseph.  Ayon sa Facebook post ni Mr. Manny R. Daen, “1st time na mag-champion sila (Pawa Saint Vincent Juniors) sa inter-Barangay Juniors ng Pawa, yang 6 puro taga Parong! Yung Senior 1st time na natalo after 4 consecutive years before the Pandemic.”

-- Romnick Añonuevo

No comments

Powered by Blogger.