Header Ads

Pangarap


          Ako si Hannah Santos. Kagagaling ko lang sa paaralan at pauwi na ako ngayon. Pagdating ko sa aming munti ngunit masayang tahanan, sinalubong ako ng aking nanay Nah, tatay Han at kapatid kong si Nahhann.

          Nakakatuwa at nakakawala ng pagod ang mga ngiting nakita ko sa kanilang mukha. Masaya akong nanaog sa bahay at ibinalita sa aking ina ang, “Nanay dalawang taon na lang po at makakapagtapos na ako ng kolehiyo at matutulungan ko na kayo ni tatay sa mga gastusin dito sa bahay. Maghahanap po ako ng magandang trabaho para naman mabawasan ang ating gastusin at para sa pag-aaral ni Nahhann.”

          Masaya akong niyakap ni Nanay. Mahirap at kapos ang pamilya ko kaya nag-aaral akong mabuti para sa kanila. Pangarap ko sanang maging doktor, ngunit dahil kapos kami sa pera minabuti kong kunin ang kursong edukasyon.

          Pero sa pagtagal ng panahon, yung pangarap ko na sobrang lapit na sa akin, unti-unting lumayo at naglaho sa paningin ko hanggang sa wala na akong ibang nakita kundi ang buhay ko ngayon. Ilang ulit akong pinayuhan ng mga magulang ko pero hindi ako nakinig, bagkus mas lalong lumayo ang loob ko sa kanila. Pakiramdam ko kasi hinahadlangan nila ang kasiyahan ko. Oo, nabarkada ako at napabayaan ang pag-aaral ko. Nagkaroon pa nga ako ng nobyo na mas lalong nagwasak sa pangarap ko.

          Nakakalungkot isiping ang isang Hannah Santos na laging nangunguna sa pagiging huli sa klase at sa mga kalokohan.

          Hindi ko akalain na hahantong sa ganito ang lahat. Natuto akong uminom at mag-casino. Sumasagot na rin ako sa mga magulang ko. Masakit isiping ang pangarap na akala ko ay hawak-hawak ko pa ay matagal na palang nawala sa akin. Pero hindi ako natinag o naalarma man lang na unti-unti nang nawawasak ang payapa kong buhay.

          Hanggang sa …

          Naasaan ako? Hindi ko ito bahay. Malaki ito kumpara sa bahay namin. Iginala ko ang aking paningin sa buong lugar, ngunit sa paggalaw ko, nakaramdam ako ng sakit sa buong katawan at hindi ko inaasahan ang nakita ko. Kasabay ng sunud-sunod na pag-agos ng luha sa aking mukha ay naalala ko ang nangyari kahapon. Masayang-masaya ako kasama ang nobyo at mga kaibigan ko na nag-iinuman sa bahay ng aking nobyo.

          Hindi ko na maalala ang mga sumunod na pangyayari. Naging malinaw lamang ang lahat ngayon. Nang mahimasmasan ako, dali-dali kong pinulot ang mga damit ko at isinuot. Nanlulumo at nanghihina akong umuwi ng bahay. Agad naman akong sinalubong at niyakap nina Nanay.  Napahagulgol ako ng iyak habang yakap-yakap nila at sising-sisi. Humingi ako ng tawad sa kanila at pinatawad naman nila ako.

          Bumalik ako sa pag-aaral pero hindi pa man ako nangangalahati sa pag-aaral ko, isang problema uli ang naranasan ko. Nabuntis ako at napilitang tumigil uli sa pag-aaral. Galit na galit ang mga magulang ko sa akin nang malaman nila iyon. Pero mas nangibabaw ang pagmamahal nila. Tinanggap nila ako at ang anak ko.

         Nagbagong buhay ako at nagsimula muli. Sa huli natapos ko ang pag-aaral at naging mabait akong guro. Ang anak ko naman na pinangalanan kong Renz ay nasa ikatlong baitang na. Nakapagpundar na rin ako ng mga ari-arian at napaayos ko na ang bahay namin. Ako na rin ang nagpapa-aral sa kapatid ko na nasa kolehiyo na. Lahat ng pangarap ko noon nawala sa paningin ko, nasilayan ko uli at natupad. At masaya na ako dahil doon.

          Sa mga napagdaanan ko sa buhay, marami akong natutunan, isa na doon ang kung may gusto kang makamit sa buhay, paghirapan mo at huwag mong susukuan.

          At ang pinakamahalagang sangkap ng tagumpay? Hindi ang barkada o ano pa man, kundi sipag, tiyaga, at ang pagmamahal at suporta ng pamilya na busog na busog ako.

-Nelia A. Abellano

No comments

Powered by Blogger.