Header Ads

Market Day sa Baguio, Magandang Gawin sa Manito




Bagong pitas na mga gulay na ibinibenta sa merkado.
                Noon sa Baguio, may nakatakdang araw kung kailan ang lahat ng magsasaka ay magtitinda ng kani-kanilang produkto kagaya ng prutas at gulay sa isang itinakdang lugar kung saan ang mga mamimili ay dumaragsa upang mamili.
                Nang ang mga Amerikano pa ang namamahala sa lungsod ng Baguio, inilunsad nila ang “Market Day” para sa kapakanang pang-agrikultura ng mag naninirahan dito noon. Sa madaling salita, ito ay isang araw na pamilihan ng mga sariwang produkto mula mismo sa mga magsasaka.
                Napakagandang ideya ang market day, kaya bakit hindi natin ito buhayin at sa pagkakataong ito  ay dito sa Manito mismo gawin? Alam natin na agrikultura rin ang isa sa mga pangunahing hanapbuhay natin. Halos karamihan ng bilang ng pamilyang Maniteño ay natutustusan ang kanilang pangangailangang pang-araw-araw sa pamamagitan ng pagtatanim.
                Sa katunayan ay mayroon tayong kagawaran ng gobyerno na namamahala sa usaping ito, ito ang Department of Agriculture (DA). Bilang pagbibigay-importansya sa ating mga magsasaka at mangingisda ay maaari rin nating ilunsad ang Market Day kung saan maraming bilang ng mga magsasaka at mangingisda mula sa labinlimang (15) barangay ng Manito  ang pupunta sa isang lugar upang ibenta ang kanilang mga produkto sa loob ng isa o higit pang mga araw.
                Kapwa may magagandang maidudulot ang ganitong sistema sa mga magsasaka at mangingisda at maging sa mga mamimili. Una ay sa kapakanan ng mga may-ari ng produkto na kahit hindi dumaan sa mga palengke ang kanilang produkto ay maaari na nilang maibenta ito. Sila na mismo ang magiging seller bukod sa pagiging owner ng kanilang produkto. Para sa mga mamimili naman ay makakapamili at makakasiguro silang sariwa ang mga produktong kanilang mabibili katulad ng mga gulay, prutas, isda at iba pa. Maaari rin silang makamura sa kanilang mga bibilhin.

                Isa ito sa mga maaaring maging magandang hakbangin upang mas mapaunlad at mas mabuhay natin ang sektor ng agrikultura sa ating munisipalidad.

-Jonel Arizapa

Manito's Time Special Issue, January 23, 2017

No comments

Powered by Blogger.