Panahon na ba Para sa UV Express sa Manito?
Panayam ng Manito's Time (MT) kay G. Dan Maravillas, Presidente ng CONTRA Bicol.
Mapapansin sa mga umuunlad na mga lugar at destinasyon ng turismo ang pagkakaroon ng UV Express. Ang UV Express ay ang karaniwang tawag sa mga airconditioned vans o Utility Vehicles (UV) na matagal nang nagseserbisyo sa mga commuters sa iba’t-ibang lugar ng Albay at ng buong Pilipinas.
Panahon na bang pag-usapan ang UV Express bilang alternatibo at karagdagang paraan ng transportasyon sa Manito?
Imposible? Ang lokal na pamahalaan lang ba ang may kapangyarihan para maisakatuparan ito? Paano naman ang mga kasalukuyang operator at drayber ng mga jeepney? Mawawalan ba sila ng kita? Paano ba ang proseso nito?
Positibo ang reaksyon ng nakapanayam ng Manito’s Time (MT) na si Dan Maravillas. Hindi rin daw ganun kahirap ang proseso sa pagkuha ng prangkisa para dito basta mailakad lang ito ng maayos at masunod ang mga kondisyon ng batas.
Ang mga payo at konsiderasyong naibigay niya para sa mga nagnanais maging operator ng UV Express at sa publikong naghahangad ng mas maginhawang transportasyon ay ang mga sumusunod:
1. Maghain ng petisyon ang mga interesadong operator sa Sangguniang Bayan para ito ay madinig ng Komite sa Transportasyon. Dito malalaman ang intensyon ng mga operator. Maging ang mga hindi sang-ayon katulad ng jeepney operators ay maririnig sa pamamagitan ng paglalahad ng kanilang oposisyon.
2. Ang petisyon ay makakarating sa sangay ng pamahalaan na may kapangyarihang magbigay o tumangging magbigay ng prangkisa. Ito ay ang Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB).
3. Kapag ang petisyon ay hindi bigyang pabor ng Sangguniang Bayan (SB), kailangan pa rin ng LTFRB ng sagot o rason mula sa SB bakit tinanggihan ang petisyon; kaya…
4. Maliban sa pag-organisa ng mga interesadong operator, minumungkahi ang isang signature campaign mula mismo sa publiko. Mas mahirap daw tanggihan ang petisyon kung mismong mga commuters o ang publiko ang may petisyon. Ito ay dahil sa ang prangkisa ay nakasalalay sa tinatawag na “Certificate of Public Convenience” na nangangahulugang may pangangailangan ang publiko kaya kailangang sagutin ito sa pamamagitan ng pagbigay ng prangkisa.
5. Tungkol naman sa tanong paano ang mga jeepney operators? Minumungkahi na sila mismo ay sumali sa organisasyon para makabahagi sila sa bagong prangkisa.
6. Paano naman ang gastos sa van o utility vehicle? Mayroon daw mga paraan para sa financing ng mga UV mula mismo sa mga kompanyang tulad ng Toyota. Mayroon silang tinatawag na “House Finance”. May mga institusyon din tulad ng mga bangko na pwedeng lapitan (Landbank at DBP).
7. May asosasyon din sina G. Maravillas na maaaring salihan para mapadali ang proseso.
Sa mga interesadong pag-usapan ng mas detalyado puwedeng tawagan si G. Dan Maravillas sa 0929-772-3272 o sadyain siya sa Aladam Bldg., CRB Subd. Marquez, St. Ext., Legazpi City.
Post a Comment