Header Ads

Wala nang dahilan na hindi makapagtapos ng high school!

Ni: Nerissa C. Daen 
Wala nang dahilan ang sinuman para hindi makatapos ng elementarya o highschool.  Mahirap ka man, nakatira sa liblib na lugar, may asawa, may anak, bata man o matanda, may pag-asa nang matupad ang iyong  pangarap na makapag-aral sa tulong ng Alternative Learning System (ALS).  

Ang ALS ay sangay ng Department of Education na naglalayong serbisyuhan ang mga sektor na hindi kayang abutin ng tradisyunal na sistema ng edukasyon.

“Ang mga hindi naaabot ng formal education, kami naman ang sumasalo, yung mga humihinto dahil mga nag-asawa, dahil sa sobrang kahirapan, mga kinick-out, pinagalitan ng titser at mga katutubo tulad ng Aetas.” paliwanang ni G. Henry Nobela, isa sa mga mobile teachers ng ALS dito sa Manito.

 Ang mga mobile teachers tulad ni G. Nobela ang nagtuturo at nag-oorganisa na magkaroon ng klase ang bawat barangay upang madagdagan ang kanilang literacy rate.  Sila rin ang nakikipagtulungan sa mga barangay na makalikom ng dagdag na pondo para suportahan ang programa.

Ang  mga estudyante ng ALS ay sumasailalaim sa Accreditation and Equivalency Test na sinasagawa taun-taon.  Noong 2014,  may 25 estudyante mula sa Manito na pumasa sa A&E Test at 19 sa kanila ay tinanghal na outstanding students.   Sa taong 2015 naman ay 34 ang pumasa.

“Marami kaming mga naging estudyante dito na hindi nakatapos ng elementarya at high school pero matapos pumasa sa A&E Test, nakapasok na sa Community College of Manito.   Yung iba may mga trabaho na ngayon.  Wala na silang pag-asa sa buhay dahil hindi sila nakapag-eskwela pero simula nang dumating ang ALs nagkaroon na sila uli ng pag-asa,”  lahad pa ni G. Nobela.

Hinihikayat din ni G. Nobela na makipagtulungan sa kanila ang mga barangay dahil ayon pa sa kanya, “Parte ng pag-asenso ng barangay na ang mga tao ay marunong bumasa at magsulat.”

Noong nakaraang buwan, pinarangalan ng DepEd si G. Henry Nobela bilang Most Outstanding Mobile Teacher,  patunay ito sa kanyang dedikasyon, sipag at taos pusong pagtulong sa mga mag-aaral ng ALS ng Manito.

No comments

Powered by Blogger.