Header Ads

Breaking Down the Numbers: Mga Mapupulot sa Resulta ng Halalang Manito 2016

       Sa pagkuwenta ng bilang ng mga bumoto sa Manito, makikitang ang mainit na labanan sa nakaraang eleksyon ay nagresulta sa Voter Turnout na 86.93% dahil mayroong 12,807 na mga bumoto mula sa 13,905 na Registered Voters ng Manito.  Ang 86.93% na ito ay mas mataas sa pambansang average na 81.62%.  Ang pambansang average na ito ay ang pinakamataas sa kasaysayan ng eleksyon sa Pilipinas ayon kay COMELEC Chairman Juan Andres Bautista (quoted by Phil. Star).


       Bakit ito mabuti para sa Manito?  Mabuti ito dahil kahit ano man ang naging dahilan ng mga botanteng Maniteño sa pagboto ay nakita nilang mahalaga ang partisipasyon nila sa buhay ng munisipalidad.

Tunggalian Para Mayor

Chart1:  Resulta ng Halalan Para sa Mayor.

     Tingnan ang unang pie chart.  Makikita ang bilang at porsyento ng mga boto para sa pagka- Alkalde (Mayor).  Ang pagkapanalo ni Mayor Joshua Mari Daep ay hindi majority vote dahil ito ay 47% lamang laban sa 40% ni Gen. Alex Tamondong at 7% ni Rebecca Chen.  Dahil hindi ito umabot sa 51%, ito ay maituturing na 'plurality vote" lamang at hindi "majority vote".

     Hindi man naging  majority vote ang pagkapanalo ni Mayor Joshua Mari Daep, kung pagsasamahin naman ang mga botong naibigay ng taumbayan kina Tamondong at Chen, bitin pa rin ito at hindi pa rin sapat  para matalo si Daep.  Hindi rin natin masasabing ang lahat ng bumoto kay Chen ay boboto kay Tamondong kung sakaling hindi tumakbo si Chen.

     Isa pa sa mapupuna natin ay ang 6% na “No Vote” o “Stray Votes”.  Ang 6 na porsyentong ito ay nakuha dahil ayon sa datos ay 12,807 ang "Voter Turnout" o bilang ng mga bumoto samantalang ang suma-total ng mga boto sa tatlong kandidato ay 11,395 lamang.  Samakatwid may kulang na 692 boto.  Ito ay maipagpapalagay nating mga bilang ng mga botanteng nag-iwan ng blangko sa posisyong pinaglalabanan (“No Vote”)  o di kaya naman ay may naisulat na boto ngunit hindi binilang ng Vote Counting Machines (VCMs) sa mga kadahilanan tulad ng maaaring dalawa ang binilugan o hindi malinaw ang pagbibilog sa balota (“Stray Votes”).

     Ang 6% na ito, kung nagkaroon ng botong maaaring mabilang ay maaring makadagdag sa lamang ng nanalo o di kaya ay nakadagdag naman sa maihahabol ng pumangalawa sa botohan.

Ano ang implikasyon ng mga numerong ito?  

     Una, makikitang naging mahigpit ang tunggalian sa posisyon.  Ito ay mabuti para sa mga taga-Manito dahil hindi makasisiguro ang nanalo na mananaig pa rin siya sa susunod na eleksyon kung hindi siya kakikitaan ng magandang serbisyo ng taumbayan.

     Para sa pumangalawa naman, sakaling siya ay tatakbong muli sa susunod na eleksyon ay konti na lang ang kaniyang hahabuling boto.  Yan ay kung hindi magbago ang mga sentimiyento ng mga bumoto sa nakaraang eleksyon.  Liligawan niya lang ang 7% bumoto kay Chen at ang 6% na nabilang sa “no vote” o “stray votes”.


Tunggaliang Vice-Mayor at Sangguniang Bayan

Chart 2:  Resulta ng Halalan Para sa Vice Mayor

     Kumpara sa tunggalian sa pagiging Mayor, makikitang isang porsyento na lang at malinaw na may “majority vote” ang nanalong si Vice-Mayor Carlito Belludo na nakasungkit ng 50% ng mga boto.  Malayo rin ang kanyang naging lamang sa katunggaling si Greg Bayna na nakakuha ng 35% ng mga boto.

     Kapansin-pansin sa datos ang 15% na tinuturing ng Manito's Time na “No Vote” o “Stray Votes” kumpara sa 6% lamang sa tunggalian ng Mayor.  Maaaninag dito na mahigit doble sa mga botante sa Vice Mayor ay nag-iwan ng blangko sa balota o di kaya ay nagkaroon ng malalabong pagguhit kaya hindi binilang ng VCM ang mga boto.  Kung baga ay mas marami ang tinatawag sa Ingles na “undecided” voters o hindi makapag-desisyon kung sino ang kanilang pipiliin at mga botanteng nagkamali sa pagsusulat sa balota.  Mas marami ang hindi sigurado o nagkamali sa binoto sa posisyon ng Vice Mayor kaysa sa posisyon ng Mayor.

Chart 3:  Ang mga boto para sa Sangguniang Bayan (sa itaas) at para sa Vice Mayor (sa ibaba).

     Kapansin-pansin din na kung bilang lamang ng bumoto ang titingnan, ang dalawang may pinakamataas na boto sa mga tumakbo sa Sangguniang Bayan na sina Arizapa at Guiriba ay may mas maraming boto kaysa sa nanalong Vice Mayor.  Gayun pa man, hindi ito nangangahulugang awtomatikong yan  din ang botong makukuha nila kung sakaling tumakbo sila sa Vice Mayor.

     Sa kabilang banda naman, lahat ng nanalo at naging miyembro ng Sangguniang Bayan ay may botong mas mataas kaysa sa natalong kandidato sa Vice Mayor.

Table 1:  Mga boto para sa Sangguniang Bayan at Vice Mayor

     Sa kabuuan at sa pagtanaw sa susunod na halalan, ang mga numerong ito ay makabubuti sa mga  Maniteño dahil makikitang buhay ang tunggalian sa pamahalaan.    Kapag may maayos na tunggalian, mas makikilatis ang pagganap sa tungkulin ng mga nakaupo sa puwesto.  Mas nabibigyan din ng mapagpipilian ang taumbayan.

     Mainam para sa demokrasya at pag-unlad ng bayan ang tunggalian sa pamamahala lalo na kung ito ay dumaan na walang karahasan.  

2 comments:

  1. he empirical result cannot be change but it's also interesting to analyze the underlying factors how these figures come about..like how much each candidate truly spent during the Election Day, pre-election period and campaign? What are the strategies employed to get the voters? How partial are the election officials, board of canvassers and the deputized election personnel mostly employed by the LGU? The in depth analysis will be more interesting if these underlying factors were mentioned.

    ReplyDelete
  2. These are all interesting questions indeed, Sir. They may become topics for future articles.

    ReplyDelete

Powered by Blogger.